UMALMA ang Palasyo sa maanghang na pastoral letter ng CBCP at sinabing tila paglabag ito sa doktrina ng “separation of Church and State” na nakasaad sa Saligang Batas.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, ang pahayag ng CBCP ay pareho sa “false narrative” ng mga kritiko ng Anti-Terror Law.
Para sa Malacañang, ang adbokasiya ng CBCP maging ang panawagan sa mga Katoliko upang manalangin ay malinaw na paggiit ng “religious influence or pressure” sa Korte Suprema para magpasya laban sa isang batas na idinisenyo upang labanan ang pandaigdigang krimen ng terorismo at upang tiyakin ang kaligtasan ng sambayanang Filipino.
“The CBCP only has to trust our judicial system given that adopting an opposite mindset only undermines the legal institutions,” ani Panelo.
Pumalag ang Palasyo sa pagkompara ng CBCP sa kasalukuyang lipunang Filipino na “para na tayong palaka na lumalangoy sa isang palayok na tubig na unti-unting pinakukuluan.”
Binigyan diin ni Panelo na mas malala ang kalagayan ng bansa sa mga nakaraang administrasyon at ipinagmalaki na umiiral na ngayon nang patas ang batas sa lahat dahil sa “political will” ni Pangulong Rodrigo Duterte.
(ROSE NOVENARIO)