Monday , May 5 2025

Mega web of corruption: P1.5-B DepEd project, obrero ng IBC-13 etsapuwera (Ika-limang Bahagi)

ni Rose Novenario

HUMIHIRIT ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) sa Kongreso na dagdagan ang budget ng state-run network ng P1.5 bilyon para tustusan ang modernisasyon ng mga pasilidad at kagamitan nito bilang paghahanda sa layunin nitong maging “DepEd Official Channel.”

Naging malaking palaisipan sa mga magulang, mag-aaral at akademista kung aabot sa napipintong pagbubukas ng klase sa 24 Agosto 2020 ang paghahanda ng DepEd at IBC-13 para sa TV-based learning sa ilalim ng mga bagong patakaran na ipinaiiral sa sitwasyong ‘new normal.’

Batay sa dokumento, nakasaad na ang Estimated Capital Expenditure for IBC as Educational Broadcast Network (Analog and Digital TV Broadcast – 6 Channels) ay aabot hanggang P1,143,828,000 o P4,210,000 kada buwan sa loob ng tatlong buwan para sa technical upgrade ng state-run network.

Hinati sa tatlong yugto ang pagpapatupad ng modernisasyon at rehabilitasyong teknikal na gagawin sa IBC-13 station at tutustusan ang analog transmitters sa Laoag station sa halagang P57 milyon; sa Iloilo TV station P54 milyon, Cagayan de Oro TV station PP37 milyon, at Palo, Leyte TV station P57 milyon.

Habang ang plano ng IBC-13 para sa digital transmitters ay maglaan ng P101 milyon para sa Manila TV station; P56 milyon sa Baguio TV station; P41 milyon para sa Cebu TV station; para sa Davao TV station ay P41 milyon; sa Laoag TV station ay P41 milyon; Iloilo TV station P41 milyon at tig-P41 milyon para sa Cagayan de Oro at Palo, Leyte TV station.

Ang naturang plano ay bahagi ng binalangkas ng Technical Working Group (TWG) na binuo ng PCOO para sa DepEd project ngunit walang kinatawan ang unyon ng mga manggagawa.

Ang bilyones na halaga ng proyekto ay isasakatuparan hindi ng mga opisyal na nagkasa nito kundi ng mga kawani na kakarampot ang tatanggaping suweldo, batay sa IBC-13 Proposed 2021 Budget na isusumite sa Kongreso.

May 19 kawani ang IBC-13 sa pitong TV stations sa buong bansa at ang apat na kawani ng Laoag TV station ay tumatanggap ng below minimum wage na sahod o P8,577,50 bawat isa kada buwan.

Lumalabas na ang pinakamababang sahod ng kawani ng IBC-13 ay halos 4% lamang ng suweldo ng kanilang President at CEO na  P200,784.58 na hanggang noong naka­lipas na Abril ay si Katherine de Castro.

Sa kasalukuyan, si De Castro ay general manager ng People’s Television Network Inc. (PTNI), isa rin state-run network.

Sa Laging Handa Public Briefing kamakailan ay inihayag ni PCOO Secretary Martin Andanar na si De Castro ay nagsisilbing consultant ng IBC-13 DepEd project at bahagi ng technical working group.

Nabatid sa source na isang kawani ng IBC-13 ang sinabon umano ng isang dating opisyal nito dahil lumabas sa media ang eksaktong halaga ng kanyang suweldo sa state-run network.

“Hindi pala kayo puwedeng pagkatiwalaan diyan sa departamento ninyo. Lumalabas sa media ultimo naging suweldo ko,” anang ex-IBC-13 official. (MAY KASUNOD)

 

 

About Rose Novenario

Check Also

3RDEY3 AI

Prediction ng AI: Abby Binay, puwedeng malaglag sa Magic 12

KUNG pagbabatayan ang pag-aanalisa ng artificial intelligence ng 3RDEY3 (@3RD_AI_) na naka-post sa X, may …

Comelec Vote Buying

2 kapitan umangal sa vote buying vs Cong sa Aklan

IBINULGAR ng dalawang barangay chairman na nagsampa ng disqualification case laban kay Aklan 2nd District …

Move it

TWG sa Move It: Itigil operasyon sa Cebu at CdO

PINATAWAN ng Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi TWG) ng parusa ang Move It …

Sulong Malabon

Sulong Malabon movement todo suporta sa kandidatura ni mayor Jaye Lacson-Noel at congressman Lenlen Oreta

TAHASANG nagpahayag ng suporta ang multi-sectoral movement na Sulong Malabon sa tambalan nina Congresswoman Jaye …

Comelec Money Pangasinan 6th District

Sa Distrito 6 ng Pangasinan
Rep. Marlyn Primicias-Agabas nagreklamo sa COMELEC at PNP vs malawakang vote buying

NAGHAIN ng dalawang magkahiwalay na liham si Representative Marlyn Primicias-Agabas ng Distrito 6 ng Pangasinan …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *