“PLEASE use your freedom wisely.”
Payo ito ni Sen. Christopher “Bong” Go sa publiko kasunod ng ulat na nagpadala ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) sa isang estudyante dahil sa pag-share ng isang post sa social media na kritikal sa senador.
Paliwanag ni Go, kinikilala niya ang kalayaan sa pamamahayag bilang batayang karapatan ng bawat Filipino ngunit kailangan may kaakibat itong responsibilidad.
Nanawagan si Go sa mga kritiko na sagutin na lamang ang paratang na paglabag sa Cybercrime Prevention Act kung sa kanilang opinyon ay wala silang nilabag na batas.
“Pero kung alam ninyong hindi totoo at nais n’yo lang manira ng kapwa tao sa pamamagitan ng pakakalat ng fake news, panagutan n’yo dapat ang inyong kasalanan kapag mapatunayang may paglabag sa batas ang ginawa ninyo. Korte ang magsasabi kung ang inyong paratang laban sa akin ay paglabag sa Cybercrime Law, laws on libel, o iba pang batas,” wika ni Go.
Gaya ng ordinaryong tao, ani Go, may pamilya at anak rin siyang nasasaktan sa mga pagbatikos sa kanya.
“Paalala lang na tulad mo, may pamilya at anak rin akong nasasaktan sa mga paninira na hindi naman totoo na ibinabato ninyo sa mga taong nagseserbisyo lang para sa kabutihan ng kapwa natin Filipino,” dagdag ng senador.
Giit niya, sa panahon ngayon ng krisis, abala sila na nagtatrabaho upang maprotektahan ang kapakanan, interes at buhay ng mga Filipino.
Makadaragdag lang aniya sa problema at pag-aaksaya sa oras ang pagkakalat ng kasinungalingan.
Hindi tinukoy ng senador ang social media post na pinaghugutan ng reklamo niya laban sa estudyante at maging ang NBI ay wala rin inilabas na detalye sa usapin. (ROSE NOVENARIO)