Saturday , November 16 2024
DepEd Money

Mega web of corruption: DepEd project ‘niluto’ over cups of coffee (Ikatlong Bahagi)

PIPING saksi ang apat na sulok ng isang restawran sa five-star hotel sa katimugang bahagi ng Metro Manila sa ‘pagluluto’ ng mataas na opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at ehekutibo ng isang state-run television network sa panukalang proyekto sa Department of Education (DepEd) na magsilbing Educational Broadcast Network ang Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) na tinatayang aabot sa halagang P1.5 bilyon.

 

Nabatid na madalas mamataan ang mga naturang opisyal na nagpupulong sa nasabing area, taliwas sa ipinangangalandakang propaganda na ‘stay at home’ ng administrasyong Duterte bilang bahagi ng kampanya kontra COVID-19.

 

Tila nagkukumahog na plantsahin ng nasabing mga opisyal kung paano bibiyakin ang ‘pipitsain’ sa DepEd dahil ngayong Hulyo inaasahan aaprobahan ng Kongreso at ilalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang may P1.5 bilyong hinihingi ng IBC-13 bilang dagdag budget para tustusan ang modernisasyon ng state-run network.

 

Sa kasalukuyang taon (2020), may P77,768,000 budget lamang para sa IBC-13 mula sa General Appropriations Act (GAA).

 

Marami ang nagtataka kung bakit napakalakas ng loob ng IBC-13 na sumuong sa mahigit isang bilyong DepEd project sa kabila ng realidad na kapos ang network sa mga modernong equipment lalo ang transmitter na pangunahing pangangailangan sa TV/radio-based learning para sa 18 milyong mag-aaral sa buong bansa

habang dumaranas ng pandemya ang buong mundo

dahil sa paglaganap ng COVID-19.

 

Kung frequency ang pag-uusapan, ‘mani’ sa IBC-13 ang nag-iisang frequency na binawi ng Kamara sa ABS-CBN dahil ang state-run network ay may 13 frequency.

 

Lingid sa kaalaman ng publiko, ang 13 frequency ng IBC-13 ay puwedeng magamit nang todo kung magiging moderno ang equipments at transmitters nito, kaya’t bukod sa free TV ay magiging digital ready ito at hindi na kailangang magbenta ng black box sa mga parokyano na karaniwang ginagamit ng ilang TV network bilang booster para magkaroon ng maraming channels.

 

Nakita ng PCOO at IBC-13 ang napakalaking potensiyal na ito kaya’t agad nagbalangkas ng project proposal upang masungkit ang DepEd project.

 

Batay sa dokumento, inilalako ng PCOO at IBC-13 sa Kongreso na maglaan ng kabuuang P1.546 bilyon para sa kabuuang implementasyon ng DepEd project na may titulong “Intercontinental Broadcasting K-12” mula Hulyo 2020 hanggang Abril 2021.

 

Hinati ng PCOO at IBC-13 ang proyekto, sa Phase 1 ang hirit nila ay P662 milyon; sa Phase 2 ay P307 milyon, at sa Phase 3 ay P577 milyon.

 

Ang ambisyosong proyekto ay sinasabing paglalaanan ng DepEd ng mahigit P200 milyon mula sa sariling budget ng kagawaran.

 

Ngunit ayon sa isang source sa panukala pa lamang ay kaduda-duda ang hindi tama at tila may ‘palaman’ ang iprenesintang gastusin.

 

Base sa IBC-13 Proposed 2021 Budget, ipinanukala para sa implementasyon ng DepEd project ang pagkuha ng creative directors, producer, production assistant , editors at graphic artists.

 

Nakasaad sa dokumento na may panukala na bigyan ng P60,000 sahod ang creative director kada buwan; P50,000 para sa producer at P30,000 sa production assistant.

 

Habang sa post-production ay pagkakalooban ng kabuuang P1,680,000 suweldo sa loob ng isang buwan ang anim na editors, at tatlong graphic artists.

 

Ang nasabing sahod ay malayo sa ipinatutupad na salary grade sa gobyerno na karaniwa’y P48,000 sa creative director at producer; P18,000 sa production assistant; P46-47,000 sa editor, at P25,000 sa graphic artist.

 

Para sa anim na editors at tatlong graphic artists, aabot lamang sa P357,000 isang buwan kung susundin ang pamantayan ng suweldo sa pamahalaan, malayo sa panukala ng IBC-13 na P1.7 milyon kada buwan.

 

Kasama rin sa panukala ang paglalaan ng P200,000,000 para sa miscellaneous expenses, logistics, meetings, cellcards, at harddrive.

 

Hindi nakasaad sa panukala kung anong production outfit ang magsasagawa ng DepED project at kung sino ang may-ari nito.

 

Nauna rito’y nabisto na sumasahod ng P200,784.58 kada buwan ang president and chief executive officer ng IBC-13 sa kabila ng hindi magandang sitwasyon sa pananalapi ng state-run TV station habang may mga kawaning sumusuweldo lamang ng mahigit P6,000 hanggang P8,000 isang buwan.

 

Lumalabas, ang pinakamababang sahod ng kawani ng IBC-13 ay halos 4% lamang ng suweldo ng kanilang President at CEO na hanggang noong nakalipas na Abril ay si Katherine de Castro.

 

Itinalaga si De Castro ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang isa sa mga board of directors ng People’s Television Network Inc. (PTNI) at inihalal bilang general manager ng nasabing state-owned TV station.

 

Bago umalis sa IBC-13 ay inirekomenda ni De Castro si Corazon Reboroso bilang officer-in-charge at sumusuweldo ng P79,085.58.

 

Ayon sa source, imbes ipatupad ang regional wage hike, binawasan umano ni Reboroso ng sampung piso ang umento sa sahod kahit kakarampot ang naiuuwing suweldo ng mga kawani sa kanilang pamilya.

 

Matatandaan, lumutang ang pangalan ni De Castro, bilang Tourism Undersecretary,  sa kontrobersiyal na P60-milyong advertising deal na pinasok ng Department of Tourism (DOT) sa People’s Television Network Inc. (PTNI) para sa Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) sa programang “Bitag” ni Ben Tulfo sa PTV-4.  (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Robin Padilla West Philippine Sea WPS

Para sa impormasyon tungkol sa West Philippine Sea
SEN. ROBIN, PCG GAGAWA NG PELIKULANG ANTI-FAKE NEWS

MAY pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa …

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *