PATAPOS na ang taping ng A Soldier’s Heart nina Gerald Anderson, Vin Abrenica, Elmo Magalona, Jerome Ponce, Yves Flores, Nash Aguas, Carlo Aquino, at Sue Ramirez sa Tanay, Rizal na walang signal kaya hirap silang makontak doon.
Sa pagkakabilang namin ay sumobra ng tatlong linggong lock-in ang buong cast, staff and crew sa location dahil kinailangang tapusin na lahat ng eksena lalo’t hanggang Agosto na lang ang serye.
How true na nagrereklamo ang isa sa cast na si Nash bilang si Private Michael ‘Striker’ Mendoza dahil tatlong eksena lang pala siya sa kabuuan ng tatlong linggong lock-in. Sa madaling salita, isang eksena sa kada isang linggo.
Nabanggit nito sa isang kasamahan na sana inunang kunan lahat ng eksena niya para nakababa na siya ng bundok at makauwi dahil may mga negosyo siyang kailangang ayusin sa Manila, ang MURAmen na may sangay sa Sampaloc, Pasig, Makati, at Rizal.
Bukod dito ay hindi nadamayan ni Nash ang girlfriend niyang si Mika Dela Cruz sa pagkamatay ng ama nitong si Daddy Ernie Dela Cruz kamakailan.
Ramdam ng aktor ang sakit na nararamdaman ng karelasyon lalo’t siya ang bunsong anak ni daddy Ernie.
Anyway, habang isinusulat namin ang balitang ito ay ilang araw na lang at bababa na sila ng bundok.
Ang A Soldier’s Heart ay nagsimula noong Enero 2020 at nahinto ng Mayo dahil sa inisyung cease and desist order ng National Telecommunication Commission sa ABS-CBN nitong Mayo 5 at muli silang umere ng Hunyo, pero thru Jeepney, Yey, Cinemo at tuluyan na itong ipinasara ng Kongreso nitong Hulyo 10 nang hindi sila nabigyan ng bagong prangkisa.
Tuloy pa ring umeere ang A Soldier’s Heart sa iWant, YouTube, TFC at iba pang online platform ng ABS-CBN.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan