NAPUNO na ang salop.
Hindi na kinaya ng isang opisyal ng gobyerno na magsilbi sa isang administrasyon na aniya’y walang pagpapahalaga sa karapatang pantao at sa malayang pamamahayag at lantarang nagpapamansag ng fasismo ng estado.
“Bilang manunulat, hindi ko na kinakaya na magsilbi sa isang administrasyon na walang pagpapahalaga sa karapatang pantao at malayang pamamahayag at lantarang nagpapamansag ng fasismo ng estado,” nakasaad sa ipinadalang resignation letter ni Jerry Gracio para kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang Samar-Leyte Languages Commissioner sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
“Kay aananuhon pa man an mga yakan, an mga pulong kun patay na an mga tawo? Ano ang silbi ng wika kung patay na ang mga tao?” aniya sa liham na inilathala sa isang tweet kahapon.
Ayon kay Gracio, sinamantala ng gobyernong Duterte ang pandemya upang ipasa ang anti-terrorism law sa panahong hindi makalabas ang mga tao para makapagprotesta.
“Itong Anti-Terror Act ay malinaw na parte ng paggamit ng state ng puwersa para takutin ang mga tao. Pati ang pagsasara ng network kung saan ako nagtatrabaho, bahagi (siya) ng isang malaking move para sa chilling effect,” sabi ni Gracio.
Giit niya, napipilitan na lamang siyang gampanan ang kanyang tungkulin sa KWF dahil wala pang kapalit niya na itinalaga sa puwesto.
Pangatlong beses na niyang pagbibitiw sa tungkulin ang ginawa kahapon, una ay nang maluklok sa puwesto si Pangulong Duterte noong 2016 at ikalawa ay noong 20 Enero 2020.
Umaasa si Gracio na mabilis na maaaksiyonan ni Pangulong Duterte ang kanyang pagbibitiw.
“That’s his prerogative and that’s his opinion. We let it be,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Sagot ni Roque sa tanong ng HATAW D’yaryo ng Bayan ukol sa pagbibitiw ni Gracio.
Si Gracio, makata, screenwriter, ay nanunungkulang Senior Writer ng ABS CBN, at nagbitiw na Commissioner for Samar-Leyte languages ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay pinagkalooban ng mga gawad at parangal mula sa Gawad Likhaan: The University of the Philippines Centennial Prize for Literature 2015; Southeast Asia Writers (SEAWrite) Award, at iba pang karangalan. (ROSE NOVENARIO)