PAANO nakatutulog nang mahimbing sa gabi ang isang opisyal ng gobyerno ng isang ‘naghihingalong’ state-run TV station na sumasahod ng P200,784.58 kada buwan habang may mga kawaning sumusuweldo lamang ng mahigit P6,000 hanggang P8,000 isang buwan?
Tanong ito matapos mabatid na ang president and chief executive officer ng Intercontinental Broadcasting Network (IBC-13), isang government-owned and controlled corporation (GOCC), ay tumatanggap ng suweldong P200,784.58 kada buwan pero ang apat na kawani nito sa Laoag, Ilocos Norte ay sumasahod lamang ng mula mahigit P6,000 hanggang P8,577.50 isang buwan.
Habang ang apat na empleyado ng state-run network sa Palo, Leyte ay tumatanggap ng P8,972.92 kada buwan.
Sila ay bahagi ng 19 kawani ng IBC-13 sa pitong provincial stations.
Lumalabas na ang pinakamababang sahod ng kawani ng IBC-13 ay halos 4% lamang ng suweldo ng kanilang President at CEO na hanggang noong nakalipas na Abril ay si Katherine de Castro.
Itinalaga si De Castro ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang isa sa mga board of directors ng People’s Television Network Inc. (PTNI) at inihalal bilang general manager ng nasabing state-owned TV station.
Bago umalis sa IBC-13 ay inirekomenda ni De Castro si Corazon Reboroso bilang officer-in-charge at sumusueldo ng P79,085.58.
Ayon sa source, imbes ipatupad ang regional wage hike, binawasan umano ni Reboroso ng sampung piso ang umento sa sahod kahit pa kakarampot na ang naiuuwing suweldo ng mga kawani sa kanilang pamilya.
Nagsimula ang kalbaryo ng mga kawani ng IBC-13 noong 2008 nang hindi na mabayaran ang retirement benefits at iba pang benepisyo hanggang umabot sa mahigit P300-M ang pagkakautang ng management.
Para sa kasalukuyang taon (2020), may P77,768,000 budget ang IBC-13 mula sa General Appropriations Act pero humihirit ito sa Kongreso na pagkalooban ng dagdag na P600-M para ipantustos sa modernisasyon dahil may panukalang proyekto sa Department of Education (DepEd) na magsisilbing Educational Broadcast Network na tinatayang aabot sa halagang P1.5-bilyon.
ni ROSE NOVENARIO