I saw few die of hunger; of eating, a hundred thousand.
— Benjamin Franklin
NAGDOBLE ang bilang ng mga nagugutom na Pinoy sa nakalipas na anim buwan habang mahigit sa 90 porsiyento ng mamamayan ang nakakaramdam ng matinding stress kasabay ng patuloy na pagkalat ng pandemia ng coronavirus pandemic.
Batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), aabot sa 4.2 milyon ng ating mga kababayan ang walang makain sa ngayon, lalo sa gitna ng krisis dulot ng Covid-19. Umangat ito mula Disyembre ng nakaraang taon at marami ang nakararanas ng agam-agam sa kanilang kinabukasan sanhi ng kawalan ng trabaho at kabuhayan.
Sadyang sinalanta ang ating ekonomiya ng mga pagbabawal at restriksiyon na ipinatutupad sa anti-virus lockdown simula noong buwan ng Marso kaya mabilis na tumaas ang unemployment rate sa bansa sa record na 17.7 porsiyento nitong Abril.
Ayon sa mga ekonomista, kahit pa pinayagan na ng pamahalaan na magbukas muli ang ilang mga negosyo, hindi pa rin ito sasapat dahil karamihan ng mga tao na siyang tumatangkilik sa nasabing mga negosyo ay walang pinagkakakitaan kaya walang kakayahang bumili o gumasta para sa kanilang mga pangangailangan.
Hindi rin naging sapat ang ibinigay na ayuda ng admiinistrasyong Duterte sa mahihirap dahil sa pagtaas ng bilihin ay kapos pa rin ang naibigay na tulong para masustenahan ang milyon-milyong pamilyang mahihirap na naapektohan sa mga lockdown at pagsasara o pagtigil ng operasyon ng ilang mga kompanya.
Bukod dito, nagpapasalamat man ang mga nabigyan ng tulong pinansyal mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, hindi nakaabot ang mga ayuda sa mas malaking bilang ng mamamayan kaya gutom ang inaabot ng mahigit sa 10 milyon nating kababayan.
* * *
PARA sa komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o i-text sa cellphone numbers 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!
PANGIL
ni Tracy Cabrera