IPINAGBUNYI ng Palasyo ang ‘panalo’ laban sa prediksiyon ng University of the Philippines (UP) experts na aabot sa 40,000 ang kaso ng coronovirus disease sa bansa sa katapusan ng Hunyo 2020.
“Congratulations Philippines!” masayang winika ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual press briefing sa Malacañang dahil 36,438 ang naitalang kaso ng COVID-19 kahapon o mas mababa sa taya ng UP experts na 40,000.
“We did not hit 40,000 or we will not hit 40,000 by end of June which is only a few days which is what two days?” ani Roque.
“We are winning,” dagdag niya.
“No, Harry. We did not win squat. The self-congratulations is grossly misinformed and intellectually dishonest,” tugon ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes, Jr., sa pahayag ni Roque.
Giit ni Reyes, wala sa record ng Department of Health (DOH) ang sinabi ni Roque na 1,000 na lamang ang backlog sa resulta ng COVID-19 test bagkus ito’y 10,817 ayon sa kagawaran.
“Gloating over a patently false claim of ‘beating UP’s prediction’ serves no real purpose. It will not bring down the infections. It only serves the desire of government to cover-up its major blunders,” ani Reyes.
Umani ng batikos mula sa netizens ang pagdiriwang ni Roque sa tagumpay laban sa UP experts.
“Akala ko all the time COVID ang kalaban, UP pala! Congratulations,” tweet ni actor-host Luis Manzano.
“Dear UP: Kakalimutan ko na ang student number ko kapag pinagturo niyo pa ito. Hahahaha!” anang journalist na si Raymund Villanueva sa Facebook.
Sa kabila na ang Filipinas ang may pinakamahabng implementasyon ng lockdown sa buong mundo, inihayag kamakalawa ng World Health Organization (WHO) na naitala ang Filipinas na isa sa may pinakamataas na pagtaas ng kaso ng coronavirus sa rehiyon ng kanlurang pasipiko sa loob ng halos dalawang linggo –tatlong ulit na mas mataas sa mga kaso sa bansang Singapore na dumaranas ngayon ng pangalawang wave ng impeksiyon.
Kahapon, itinanggi ng WHO ang pahayag tungkol sa pangunguna ng Filipinas sa mabilis na pagdami ng COVID-19 sa Western Pacific, na muling ipinagbunyi ni Roque. (ROSE NOVENARIO)