NAGLUNSAD ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy kung sino ang nagbigay ng permiso sa ginanap na pista sa Sitio Alumnos, Barangay Basak San Nicolas, sa lungsod ng Cebu, noong Sabado, 27 Hunyo sa gitna ng umiiral na mahigpit na lockdown upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay P/BGen. Albert Ignatius Ferro, direktor ng Police Regional Office in Central Visayas (PRO-7), inutusan niya ang Cebu City Police Office na imbestigahan ang insidente na ikinagulat ng mga opisyal ng barangay at ng pulisya.
Ani Ferro, gusto nilang malaman kung paano nangyari ang pista sa kabila ng higpit ng ipinaiiral na lockdown sa lungsod.
Nagtipon ang ilang daang deboto sa Sitio Alumnos noong Sabado upang dumalo sa prusisyon at manood ng Sinulog street dance bilang parangal kay Señor Sto. Niño.
Ipinag-utos din ng mga opisyal ng Barangay Basak San Nicolas ang pagsisiyasat upang matukoy kung sino ang nasa likod ng aktibidad at paano naisagawa sa kabila ng utos sa mga residente na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod ng Cebu, ang pinakamahigpit na uri ng quarantine ngayong panahon ng pandemya.
Sa pahayag na kanilang inilabas sa kanilang Facebook page, sinabi ng mga opisyal ng barangay sa pangunguna ng kanilang kapitan na si Norman Navarro, wala umano silang binigyan ng pahintulot sa kahit anong pampublikong akditbidad, kabilang ang prusisyon at Sinulog street dance presentation.
Ani Navaro, ipatatawag nila ang mga organizer dahil ito ay malinaw na paglabag sa ECQ dahil inilagay nila sa kapahamakan ang buhay ng kanilang mga kabarangay na sumunod sa regulasyon at nagsakripisyong hindi lumabas ng kanilang mga tahanan sa loob ng isang buwan.