POSITIBO sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong Linggo, 28 Hunyo, ang pitong residente ng lungsod ng Naga, lalawigan ng Camarines Sur, na nagkaroon ng close contact sa locally stranded individuals (LSIs) mula sa bayan ng Naic, sa lalawigan ng Cavite.
Dagdag ito sa dalawang naunang close contact na nagpositibo sa SARS-CoV-2, virus na sanhi ng COVID-19, noong Sabado, 27 Hunyo.
Dahil dito, umakyat ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod sa 19, at 108 sa buong rehiyon ng Bicol.
Ang mga bagong kaso sa lungsod ng Naga ay mga nakalamuha ng mga pasyenteng kinilala bilang Bicol#91 at Bicol#92, na umuwi noong 14 Hunyo sa naturang lungsod.
Nakaranas ng sintomas ang isa sa dalawang umuwing LSI dalawang araw matapos sumailalim sa home quarantine, kaya sumailalim ang lahat ng LSI sa rapid tests, at dalawa sa kanila ang nagpositibo.
Lumabas ang resulta ng kanilang swab tests o polymerase chain reaction (PCR) machine test noong 25 Hunyo.
Noong Sabado ng gabi, (27 Hunyo), nagpadala ng liham si Naga City Mayor Nelson Legacion kay Pangulong Rodrigo Duterte, DOH, at Department of Interior and Local Government na humihiling na pansamantalang suspendehin ang pagpapabalik ng mga LSI sa kanilang lungsod dahil sa kakulangan ng kanilang pondo at may mga bago silang aktibong kaso ng COVID-19.
Sa kaniyang liham, sinabi ni Legacion na puno na ang Bicol Medical Center (BMC) simula pa noong Sabado, 27 Hunyo.
Pahayag ng alkalde, bagaman gusto nilang tanggapin ang mga umuuwing Nagueño, kailangan ng lungsod ng panahong matugunan ang mga bagong kaso ng COVID-19 at kailangan din nilang magtayo ng mga border control at karagdagang health care resources.