ARESTADO ang tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga kabilang ang isang bebot matapos makompiskahan ng baril at shabu sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao ang naarestong suspek na sina Ricardo Cabida, alyas Cardo, 47 anyos, electrician, ng C4 Road, Barangay Tañong; Rolando Zacarias, 51 anyos, ng Block 2, Paradise Village, Letre, Barangay Tonsuya, at Luzviminda del Rosario alyas Poknay, 48 anyos, ng #41 Dr. Lascano St., Barangay Tugatog.
Ayon kay Col. Tamayao, dakong 10:30 pm nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Venchito Cerillo kontra sa mga suspek sa kahabaan ng C4 Road, Brgy. Tañong, Malabon City.
Nagawang makapagtransaksiyon kay Cabida at Zacarias ng isang sachet ng shabu ng poseur-buyer na pulis.
Nang tanggapin ng mga suspek ang P500 marked money mula sa poseur-buyer, agad dinamba ang mga suspek ng mga operatiba kasama si Del Rosario na sinasabing parokyano ng dalawa.
Nakuha sa mga suspek ang nasa 4.2 gramo ng shabu na tinatayang nasa P28,560 ang halaga, isang cal. 38 revolver na kargado ng apat na bala at buy bust money.
(ROMMEL SALES)