IPINAG-UTOS ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin ang pansamantalang pagsasara ng Pampang public market, sa lungsod ng Angeles, isa sa pinakamalalaking pampublikong pamilihan sa lalawigan ng Pampanga, simula kahapon, Miyerkoles, 24 Hunyo, matapos pumanaw noong Martes ang isang tindero dito dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Binawian ng buhay ang isang 21-anyos tindero, residente sa Barangay Pampang, na nabatid na mayroong diabetes, ayon kay Dr. Froilan Canlas, officer-in-charge ng Rafael Lazatin Memorial Medical Center.
Ipinag-utos ni Lazatin ang disinfection ng buong palengke at pagsailalim sa rapid testing ng lahat ng stall owners at iba pang tindero rito.
Isinagawa ang intensive contact tracing upang maagapan ang pagkalat ng sakit, anang alkalde sa kanyang pahayag.
Wala pang tiyak na petsa kung kailan muling magbubukas ang pamilihan ngunit sinabi ni Lazatin na dapat munang makompleto ang lahat ng safety protocols bago muling buksan ito.
Samantala, hinikayat ng alkalde na pansamantalang sa San Nicolas public market muna mamili ang mga residente.
Sa huling tala, mayroong 29 kompirmadong kaso ng COVID-19 cases ang lungsod ng Angeles, na may dalawang active case sa Barangay Margot.
Sa bilang na ito, 23 ang gumagaling at apat ang binawian ng buhay.