IKINANDADO sa loob ng isang quarantine facility ang dalawang menor de edad na nabatid na kababalik pa lamang sa sa bayan ng Roxas, sa hilagang bahagi ng lalawigan ng Palawan.
Ayon kay Barangay Tinitian chairman Andrew Goldfarb, noong Miyerkoles, 24 Hunyo, ikinadena nila ang pasilidad upang matiyak ang kaligtasan at walang masamang mangyari tuwing gabi sa dalawang batang nasa loob nito.
Sinabi ni Romalyn Racho, hepe ng Health Education and Promotion Unit ng Department of Health (DOH) sa Mimaropa, kinausap na nila ang mga lokal na opisyal ng bayan ng Roxas at ipinatawag na nila ang kapitan ng barangay.
Nabatid na umuwi ng Palawan mula Cebu ang mga batang may edad 12 at 14 anyos kasama ang kanilang mga kaanak noong 14 Hunyo na agad ipinadala sa quarantine facility sa naturang bayan.
Iginiit ni Golifardo, isinasara at ikinakandado lamang nila ang mga gate ng pasilidad tuwing gabi at ipinaalam nila ito sa mga magulang ng mga bata.
Dagdag na paliwanag ng kapitan, dahil sa limitadong suplay ng koryente sa lugar at madalas na brownout, kinakailangan ang literal na lockdown sa pasilidad.
Sinabihan umano ng mga opisyal ng barangay ang mga magulang ng dalawang bata na wala silang koryente sa gabi at walang bantay ang pasilidad kapag pinapatay na ang portable generator at ikinakandado ang gate upang protektahan ang mga menor de edad.
Hinamon ng kapitan ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na tingnan ang pasilidad at makatitiyak umano silang walang nagaganap na pagmamaltrato sa mga umuuwing LSI (locally stranded individuals) sa lalawigan.