TATATLONG botelya na lang ang nalalabi sa pambihirang alak na nasa pangangalaga ng iisang pamilya sa nakalipas na mga henerasyon na nakakabit pa ang mga orihinal na label, ayon sa Sotheby auction.
Ang nasabing alak ay isang ‘exceedingly rare’ bottle ng cognac na napreserba noong wakas ng ika-19 na siglo.
Naibenta ang Gautier Cognac 1762 sa halagang £118,580 (US$144,525 o 132,000 euros) sa ginanap na online sale.
“This was the last and largest of these remaining bottles,” wika ng sikat na auction house.
May bansag ang rare cognac, na binili ng isang Asian private collector, bilang Grand Frère — o ‘Big Brother’ — ng trio ng pambihirang alak.
Matatagpuan ang tinaguriang ‘Little Sister’ nito sa museo ng French cognac distillery na Maison Gautier, habang naibenta ang sinasabing ‘Little Brother’ sa subastahan sa New York noong 2014.
Isinalaysay ng Sotheby’s na ang alak ay ibinigay sa lolo’t lola ng nagbenta, na isang orphan na kanilang inampon at ang pangalan ay Alphonse.
Nang nagbinata, iniwan ng orphan noong 1870s ang matatanda para magtrabaho sa Cognac region, at nagbalik siya makalipas ang isang dekada na may dalang isang kariton ng cognac.
Idinagdag ng Sotheby’s na kalaunan ay lumahok si Alphonse bilang sundalo sa Unang Digmaang Pandaigdig at mula noo’y hindi na nagbalik pa.
“This should still be drinkable,” punto ni Jonny Fowle, spirits specialist sa Sotheby’s, ukol sa record-selling botelya ng Gautier Cognac.
“High-ABV (alcohol by volume) liquids like this preserve themselves very well, although I would expect there to be discernible OBE — this stands for old bottle effect, which is how we describe the development of spirits over time. Sometimes this can impart very pleasant tropical notes, and at other times less appealing porridgy notes,” sabi pa ni Fowle.
Kinalap ni Tracy Cabrera