HINDI lamang sugat sa katawan ang pinsala ng anim katao sa banggaan ng dalawang pasaway na rider sa Binondo, Maynila kamakalawa ng madaling araw, kundi sasampahan din sila ng kasong paglabag sa ipinag-uutos na social distancing alinsunod sa Bayanihan Heal As One Act.
Ang dalawang rider na nagbanggaan, kapwa may angkas, hindi lang isa kundi dalawa ay kinilalang sina Marc Neil Jabonete, driver ng Yamaha Aerox, at mga kaangkas na sina Ren Fernan, at Allan Pornea; Dennis Flores, driver ng motorsiklong SYM, backride sina Aida Antiposo at Susan Tutay.
Sa ulat, 4:00 am nang maganap ang insidente sa panulukan ng Claro M. Recto Avenue at Reina Regente St., sakop ng Binondo.
Binabagtas ni Flores ang kahabaan ng Claro M. Recto Avenue, angkas sina Antiposo at Tutay, ngunit pagsapit sa panulukan ng Reina Regente St., ay sumalpok sa rider na si Jabonete na angkas naman sina Fernan at Pornea.
Sa lakas ng impact, nalaglag ang mga sakay ng motorsiko sa sementadong kalsada.
Kaagad isinugod ang anim sa pagamutan at dinala sa MMDA impounding area sa Adriatico St., Malate ang kanilang motorsiklo. (VV)