DALAWANG hinihinalang tulak ng droga ang naaresto matapos bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer sa ikinasang buy-bust operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao ang naarestong mga suspek na sina Alvin Lozano, 28 anyos; at Wilcris Perrando, 41 anyos, kapwa residente sa Barangay Tañong ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Michael Oben, dakong 8:15 pm nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Lalaine Almosa sa kahabaan ng Adante St., Brgy. Tañong laban sa mga suspek.
Nagawang makaiskor kay Lozano ng isang sachet ng shabu ng isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Matapos tanggapin ni Lozano ang P500 marked money mula sa buyer ay agad nagbigay ng signal ang pulis sa kanyang mga kasamahan na agad sumugod at inaresto ang suspek kasama si Perrando.
Nang kapkapan, nakompiska kay Lozano ang buy bust money at apat pang plastic sachets ng shabu habang nakuha kay Perrando dalawang plastic sachets ng shabu.
(ROMMEL SALES)