ISASAILALIM sa lockdown ang lahat ng Metropolitan Trial Court (MeTC) branches na matatagpuan sa Manila City Hall at Old Ombudsman Building gayondin ang Office of the Clerk of Court.
Alinsunod ito sa awtoridad na ibinigay ng Office of the Court Administrator, Supreme Court at sa kautusan na natanggap mula kay Assistant Court Administrator Maria Regina Adoracion Filomena M. Ignacio nitong 18 Hunyo na ang mga sumusunod na tanggapan ng MeTC Manila ay isasailalim sa lockdown mula 19 Hunyo hanggang 29 Hunyo 2020.
Kabilang dito ang MeTC Manila Branches 29, 30, 13, & 5 na matatagpuan sa Manila City Hall.
MeTC Manila Branches Office of the Clerk of Court; at MeTC Manila Branches 1, 2, 3, 4, 6, 8, 10, 15, 19, 20, 22, 23, 25, 27 & 28 na matatagpuan sa Parkview Plaza Building.
Ang lockdown, ay bunsod ng nagpositibo sa COVID-19 na kaanak ng mga empleyado sa magkahiwalay na MeTC Manila branches na matatagpuan sa Manila City Hall.
Naniniwala si Executive Judge Carissa Anne Manook- Frondozo na mas makabubuting ang lahat ng empleyado ng MeTC branches sa Manila City hall ay sumailalim sa self-quarantine measures.
Nakuha rin ang atensiyon ni Frondozo matapos magkaroon ng matinding ubo ang isa sa security guard na naka-duty sa Parkview Plaza Building, at nagpositibo sa rapid test kaya isasailalim sa swab testing.
Malalaman ang resulta nito sa loob ng 3-5 araw.
Dahil sa posibleng exposure sa virus sa MeTC Manila ipinag-utos ng Executive Judge ang pansamantalang suspensiyon ng operasyon sa nasabing gusali.
Inatasan ng korte ang mga empleyado na mag-self quarantine upang maiwasan ang hawaan at sakaling makaranas ng mga sintomas ay agad mag-report sa kanilang Barangay Health Emergency Response Team. (VV)