SUGATAN ang apat na fire volunteer mula sa Caloocan City nang banggain ng trailer truck ang sinasakyan nilang fire truck sa Ermita, Maynila kahapon ng madaling araw.
Binabaybay ng fire truck ng Execom Fire & Rescue ang United Nations (UN) Avenue patungong Taft Avenue nang salpukin ng 14-wheeler truck sa intersection ng San Marcelino St., 12:30 am.
Tumagilid ang fire truck at naipit ang isa sa sakay na kinilalang si Athan Jake Dayandayan, 16 anyos.
Kinailangang iangat ng isang forklift ang harap ng truck para matanggal ang naipit na si Dayandayan.
Dinala rin sa ospital ang tiyuhin ni Dayandayan na si Francis, 37 anyos, na nagmamaneho ng fire truck, maging ang ibang sakay na sina Nile Peralta, 20, at Joan Santos, 26.
Ayon kay Santos, may dinaanan sila sa Pandacan at pabalik na sa Caloocan City nang salpukin ng trailer truck.
Nagpatunog pa sila ng sirena bilang babala nang makita ang truck pero nagtuloy pa rin ng takbo.
Kasamang tumulong sa pag-aalis sa naipit na biktima ang pahinante ng trailer truck ng Andrei Vincent Freight Services na kinilalang si Geron Dumali.
Kuwento niya, galing sa North Harbor ang trailer truck at magkakarga ng gamit bago tumuloy sa Batangas.
Aminado ang pahinante na nakaidlip siya kaya hindi alam ang buong nangyari.
Dinala ang driver ng trailer truck na si Mark
Sabayan sa Manila Police Traffic Investigation Bureau.
Ayon sa mga sakay ng fire truck, nagtangkang tumakas ang driver pagkatapos ng banggaan.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property ang truck driver na si Sabayan.
Ipinagtataka ang mga imbestigador kung bakit may menor de edad na fire volunteer. (VV)