IPINAHAMAK ng alak ang isang kawatan nang makipaghabulan sa mga tanod gamit ang ninakaw na bisikleta at nanapak ng opisyal ng barangay sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Ronnel Borromeo, 26 anyos, driver, residente sa Maypajo, Caloocan City.
Nahaharap sa mga kasong theft at direct assault, bukod pa sa paglabag sa ordinansang paggala at paglalasing.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong 1:00 am nang maganap ang pagnanakaw ng bisikleta sa Barangay Pasolo ng nasabing siyudad.
Nanonood ng telebisyon sa kanyang bahay ang nagreklamong si Raymond Velilla, 35 anyos, may-asawa, residente sa Dreamland St., Barangay Pasolo ng nasabing barangay nang makarinig ng kaluskos sa kanilang gate.
Nang tingnan ni Velilla ang kanilang bakuran ay napuna niyang naglaho ang kanyang bisikletang nagkakahalaga ng P15, 000 na nakatali sa kanilang bintana kaya’t agad siyang dumulog sa barangay hall ng Pasolo.
Agad sinuri ang closed circuit television (CCTV) camera footage at nakita si Borromeo na nakasakay sa bisikleta ni Velilla patungong Dalandanan, Mac Arthur Highway.
Dito nagsagawa ng follow-up operation ang mga tanod sa pangunguna ni Barangay Ex-O Carlito Mariano Martin, Jr., sa nasabing pamilihan dakong 1:30 am at namataan ang suspek patungong Malinta, sakay pa rin ng nakaw na bisikleta.
Tinugis ng mga tanod ang lasing na si Borromeo at dahil sa kalasingan ay sumemplang ngunit hindi pa rin sumuko at nagtatakbo papuntang Marindal St., Barangay Rincon at iniwan na ang bisikleta.
Humabol ang mga tanod hanggang nasukol ang suspek ngunit pumalag pa rin at sinapak si Martin kaya pinagsalikupan ng iba pang tanod saka inaresto.
Nang dalhin sa Valenzuela Medical Center (VMC) para sa medical verification, positibong nakainom ng alak si Borromeo na idiniretso sa presinto. (ROMMEL SALES)