INARESTO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na indibidwal na sinabing nagbebenta ng ilegal na droga sa buy bust operation sa Maynila.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Eric Distor ang mga suspek na sina Eric Eulogio, Odessa de Guzman Paterna, Renato Abaya, at April Kyle Gonzales.
Ayon sa NBI, nakatanggap ng impormasyon ang NBI-Task Force Against Illegal Drugs mula sa confidential informant kaugnay sa organisadong grupo na “Akyat Condo Gang” na pinamumunuan ng isang Eric Eulogio, sinabing nag-aalok ng high-grade shabu.
Matapos ang isinagawang surveillance, natuklasan na ang grupo ni Eulogio, ay sangkot sa robbery, theft, drug peddling, at ginagamit na drug den ang mga condomium sa area ng Maynila at Quezon City.
Natuklasan na ang nasabing grupo ay dati nang naaresto ng PNP-NCRPO noong 2016 dahil sa panghoholdap ng malaking halaga ng alahas at pera mula sa may-ari ng condominium sa Quezon City.
Iniulat sa NBI-TFAID ng informant na nakatanggap sila ng impormasyon na si Eulogio ay iniaalok ang inuupahang condo unit sa Oyo V-Cat Hotel sa Blumentritt, bilang drug den, sa kanilang transaksiyon kaugnay ng ilegal na droga.
Dahil dito, agad ikinasa ng NBI ang buy bust operation sa halagang P2,000 shabu at inalok ni Eulogio ang informant na i-test o humithit sa loob ng nasabing unit.
Nang magbigay ng hudyat at mag-text ang informant, agad nagtungo ang NBI sa nasabing unit at mabilis na inaresto si Eulogio kasama sina Abaya at Gonzalez na noo’y inabutang gumagamit ng shabu.
Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (VV)