KASALUKUYANG nagpapagaling sa pagamutan ang tatlong kalalakihan matapos mag-amok at mamaril ang lalaking tinukso nilang ‘supot’ sa Barangay Corro-oy, sa bayan ng Santol, lalawigan ng La Union, noong Martes ng gabi, 16 Hunyo.
Kinilala ni La Union Police Provincial Office (LUPPO) Information Officer P/Maj. Silverio Ordinado, Jr., ang suspek na si Mac Joel Obedoza, 30 anyos, at ang mga biktimang sina Aljon Oribio, 24; Harry Sabado, 17; at Jayson Sabado, pawang mga residente sa naturang barangay.
Ayon sa Santol police, nag-iinuman ang mga biktima sa bahay ni Ricardo Sabado nang mapadaan si Obedoza.
Bigla umanong sinigawan ng mga nag-iinuman si Obedoza at tinuksong ‘supot’ o hindi pa tuli, na naging sanhi ng pagtatalo ng mga biktima at ng suspek.
Tumigil lang ang pagtatalo nang umalis si Obedoza ngunit bumalik na armado ng kalibre .45 baril saka pinagbabaril ang mga biktima.
Natamaan si Oribio sa kaliwang braso, si Harry Sabado sa sikmura, at Jayson Sabado sa sikmura at dibdib.
Dinala ang tatlo sa Balaoan District Hospital upang malapatan ng lunas.
Nadakip ang suspek at ipiniit sa himpilan ng Santol police habang inihahanda ang kasong frustrated murder na isasampa laban kay Obedoza.