KALABOSO ang magkakamag-anak na holdaper sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) kahapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Jesus Nacion, 28 anyos; at kapatid na si Jasson, 20; pinsan na sina Arnie Nacion, 25; Juandren Narvalte,18, at kapatid na 17 anyos, pawang naninirahan sa 12th St., Port Area at pawang nahaharap sa kasong robbery holdup, physical injury at malicious mischief.
Responsable sa panghoholdap ang mga suspek sa mag-amang biktima na sina Manuel, 50; at Jerome Santillan, 20 anyos ng Caloocan City .
Sa ulat, sinabi ng nakatatandang Santillan na iniwan nito ang anak sa kanilang sasakyan sa bahagi ng M.Lopez Blvd., ngunit ilang sandali lang ay nilapitan ng isa sa suspek.
Nang holdapin ang batang Santillan, pumalag siya kaya’t nabugbog hanggang magawang makatakbo palayo sa mga suspek.
Gayonman, nagawang sirain ng mga suspek ang salamin ng harapang bahagi ng sasakyan ng mag-ama.
Tiyempong pabalik sa sasakyan si Manuel kaya maging siya ay sinaktan at puwersahang kinuha ang dalang sling bag bago sila iniwan.
Dahil dito, humingi ng tulong sa pulisya ang mag-ama kaya agad nagsagawa ng follow-up operation sa bahagi ng Port Area at doon naaresto ang limang suspek malapit sa Philippine Red Cross. (VV)