MAHIGIT sa isang dosenang jeepney drivers ang namamalimos sa kahabaan ng C3 Road sa Caloocan City matapos palawigin ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Umapela si Alberto Enting, isang tsuper, sana ay matulungan sila ng gobyerno at ng iba pang sektor dahil tatlong buwan na silang walang kita para sa kanilang pamilya.
Ayon sa mga driver ng rutang Sangandaan-Divisoria, sinusunod pa rin nila ang physical distancing sa pamamalimos.
Naghati-hati rin ang nasa 100 tsuper ng lugar kung saan sila humihingi ng donasyon sa mga motorista.
“Wala na pong makain ang pamilya namin, kaya ganito na lang ang puwede namin gawin, ang mamalimos,” anang jeepney drivers.
Karamihan sa kanila ay hindi nakatanggap ng ayuda, kaya naman nagtitiis silang manghingi ng tulong sa kapwa nila driver ng pribadong sasakyan. (ROMMEL SALES)