TINUPOK ng sunog na tumagal ng tatlo at kalahating oras ang isang pampublikong pamilihan sa Barangay Luksuhin Ibaba, sa bayan ng Alfonso, lalawigan ng Cavite, noong Sabado ng gabi, 13 Hunyo.
Walang naiulat na namatay sa sunog sa palengke na nagsimula dakong 9:00 pm noong Sabado, na tuluyang naapula dakong 12:29 am kahapon, Linggo, 14 Hunyo.
Ayon sa Alfonso police, nakita sa kuha ng closed-circuit television camera na nagsimula ang sunog sa unang palapag ng Building II ng palengke na nag-spark ang isang live wire.
Iniulat ng mga awtoridad na umabot sa ikaapat na alarma ang sunog na nirespondehan ng mga bombero ng bayan ng Alfonso at iba pang yunit nmg pamatay-sunog mula sa ibang mga lugar.
Samantala, binantayan ng pulisya, ng local disaster risk reduction and management team, at ng mga tauhan ng barangay ang palengke upang maiwasan ang looting o pagnanakaw sa mga tindahan.
Naitalang 96 tindero at tindera sa pamilihan ang maaaring maapektohan ng sunog.