HINDI na makita ang opisyal na Facebook page ng Lucban Municipal Police Office nitong Linggo ng umaga, 14 Hunyo, kasunod ng kontrobersiyal na post na nagsasabing hindi dapat magsuot ng maiikling damit ang mga kababaihan para hindi mabastos o hindi magahasa.
Sa kanilang viral post na may petsang 11 Hunyo, pinaalalahanan ng Lucban Municipal Police Office sa lalawigan ng Quezon, na ang mga babae ay dapat minamahal at hindi inaabuso.
Ngunit naging kontrobersiyal ang post dahil sa pangalawang bahagi nito na nagsasabing: “Kayo naman mga gherlsz, ‘wag kayo magsusuot ng pagkaikli-ikling damit at ‘pag naman nabastos ay magsusumbong din sa amin. Isipin n’yo rin!”
Binura sa FB page ng pulisya ng Lucban ang post matapos umani ng batikos mula sa netizens.
Sa kanilang pahayag noong Sabado, 13 Hunyo, inutusan ni P/Gen. Archie Gamboa, hepe ng Philippine National Police, ang Directorate for Police Community Relations (DPCR) na imbestigahan ang insidente.
Aniya, mariing sinusuportahan ng PNP ang proteksiyon para sa mga bata at kababaihan, at mahigpit din nilang pinatutupad ang guidelines sa kanilang mga tauhan kagnay ng pagpo-post sa social media.
Dagdag ni Gamboa, maaaring patawan ng mga kasong kriminal atr administratibo ang sinumang mapatutunayang lumabag dito.
Samantala, hindi pa nakokompirma kung ang pagkawala ng Facebook page ng Lucban Municipal Police Office ay utos mula sa PNP national office.