HINDI pahihintulutan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang “face-to-face” classes at mga pagsusulit sa paaralan o unibersidad sa lungsod batay sa patakaran na isinaad ng Inter Agency Task Force (IATF) at Commission on Higher Education (CHED) sa ilalim ng umiiral na general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Sinabi ni Mayor Isko, ang naturang pahayag makaraang makatanggap ng mga kahilingan mula sa mga estudyante at ilang asosasyon o samahan ng mga kolehiyo sa iba’t ibang pribadong unibersidad sa Maynila na kung maaaring sila’y magkaroon ng harapang klase dahil inire-require umano sila ng kanilang mga teacher na mag-face-to-face o live classes sa kanilang unibersidad.
“Very clear, I don’t think na Commission on Higher Education (CHED) will allow it. I don’t think so. And I’m not allowing it also, kung ako ang tatanungin nang personal. Kasi nga ayaw ko kayo malagay sa panganib e. Sini-segregate nga natin ang mga tao para hindi magkahawa-hawa tapos ipapasok natin sila sa iisang classroom. 30 sila, 40 sila 50 sila. Parang it defeats the purpose. ‘Yan ‘yung sa akin.” paliwanag ni Domagoso.
Giit ni Domagoso, nasa ilalim ng GCQ ang Maynila, na ang 21 anyos pababa ay hindi maaaring lumabas ng kanilang bahay kaya’t paano mangyayari umano ang harapang klase sa unibersidad.
Ibinahagi ng alkalde ang abiso ng CHED sa Higher Education Institutions (HEI) noong 24 Mayo na suspensiyon ng “face-to-face” o “in-person classes” at “mass gathering.”