NAGLUNSAD ang mga tech giant na Apple at Google ng bagong contact tracing notifications system, na paraan para makatanggap ng alert ang sinomang na-expose sa isang indibiduwal na nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang smart cellphone.
Sa isang pahayag, sinabi ng dalawang tech firm na inaalok nila ang mga awtoridad sa iba’t ibang panig ng daigdig ukol sa kanilang platform para sa coronavirus contact tracing — ang susi sa para mapigilan ang pagkalat ng pandemya.
“The work public health officials are doing around the world humbles us all,” saad ng dalawang kompanya sa magkahiwalay na pahayag.
“We are clear that this is not a panacea but we do believe Exposure Notifications can make a contribution to the broader work of contact tracing,” dagdag nila.
Sa ilalim ng bagong notifications system, sinoman na-expose sa taong may impeksiyon ay makatatanggap ng alert sa kanyang phone.
“Public health authorities will take the lead with this technology, and we will continue to support and advocate for it,” pinunto ng Apple at Google.
Sa gitna naman ng agam-agam sa seguridad at paggamit ng personal na impormasyon, sinabi ng Google at Apple na alinman sa app ay dapat na maging boluntaryo at papayagan lang din ang isang app para sa bawat bansa.
Ukol naman sa usapin ng privacy, sinabi ng dalawang tech firm na kapag humupa na o naglaho ang krisis ng pandemya, madaling alisin ang sistema dahil hindi na ito kakailanganin. (Kinalap ni TRACY CABRERA)