IMBES makipagharap sa barangay, naglahong parang bula ang lasing na pulis na itinurong bumaril sa isang aso na inakusahang kumagat sa kanya, sa Sampaloc, Maynila.
Hanggang sampahan ng kaso ng tagapag-alaga ng aso na si Rene Timbol ay hindi pa rin sumipot ang suspek na pulis na kinilalang si Mark Lyndon de Ocampo, sinabing nakatalaga sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-ASG).
Kahapon, tuluyan nang sinampahan ng kasong malicious mischief at paglabag sa Animal Welfare Act ni Timbol si De Ocampo, na itinurong bumaril sa alagang aso ng una sa kanilang lugar sa Sampaloc district noong Sabado, 6 Hunyo.
Sa ulat, sinabing matapos ang pamamaril, nagpunta sa barangay si De Ocampo para magsumbong na kinagat umano siya ng aso ni Timbol.
Pero ayon kay Timbol, nakakadena ang kaniyang aso kaya malabong ang alaga ang nakakagat sa pulis.
Ayon kay Manila Police District – Sampaloc Station (MPD-PS4) P/Lt. Col John Guiagui, pinuntahan nila ang bahay ng suspek pero wala ang pulis doon.
Hinihintay ng mga pulis na lumantad ang suspek para magbigay ng kaniyang panig.
Sa social media, kinondena ng ilang animal rights group ang pagpatay ni De Ocampo sa alagang aso ni Timbol.