SA KABILA ng pagbubukas sa publiko ng ibang simbahan nang maibaba sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) ang lungsod ng Cebu simula noong 1 Hunyo, nananatiling sarado ang prominenteng Sto. Niño Basilica dahil isinailalim sa quarantine ang kombento ng pitong pari at siyam na empleyado ng Basilica sa posibilidad na tinamaan sila ng coronavirus disease (COVID-19).
Nabatid, ang unang suspected case na empleyado ng simbahan ay kasalukuyang nasa pagamutan.
Sa kaniyang homilya sa misang naka-stream sa social media page ng Basilica noong Linggo, sinabi ni Fr. Andres Rivera, Jr., hinihintay nila ang resulta ng swab tests mula sa city health department kaya mananatiling ‘off-limits’ ang simbahan sa publiko.
Nananawagan si Rivera, pinuno ng mga paring Augustinian na nagpapatakbo ng Basilica, sa publiko na habaan ang kanilang pasensiya sa mga restriksiyong kanilang itinakda upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa naunang pahayag, sinabi ni Fr. Rivera na nalaman nila ang mga probable case ng COVID-19 sa loob ng kanilang simbahan noon pang 25 Mayo.
Nagawan umano ng swab test ang mga pari at mga tauhan ng Basilica na naninirahan sa loob ng kombento sa tulong ng city health department.
Dagdag ni Fr. Rivera, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Basilica sa city health department at mga opisyal ng Barangay Sto. Niño upang maiwasan ang pag-aalala at pagkabahala ng mga residente.