DALAWANG tomboy (lesbian) ang nadakip ng Valenzuela police dahil sa panloloko o pambubudol ng P956,000 sa Valenzuela City, iniulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ni P/Lt. Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit at Detective Management Unit, (SIDMU) ng Valenzuela City Police ang mga suspek na kinilalang sina Gae Delos Reyes, alyas Jaylene Marie Aguirre, at ‘Tol’, 48 anyos; at Rebecca Villacorta, alyas Dax, 53 anyos, kapwa residente sa Cambridge Village, Barangay San Andres, Cainta Rizal.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Benjie Borja, 37 anyos, nakatira sa Sta. Ana, Pateros, Rizal; Noel Policarpio, 45 anyos, residente sa Calamba City, Laguna; at Rexie Mae Enero, 22 anyos, nakatira sa Pacheco Village, Malinta, Valenzuela City.
Ayon sa ulat, tinawagan ni Delos Reyes na nagpanggap na ahente ng Toyota Auto Shop ang tatlong biktima noong Lunes upang alukin ng ‘promo’ ng Toyota Innova na nagkakahalaga ng P900,000.
Kinabukasan, nakipagkita ang suspek sa mga biktima sa Puregold grocery store sa Barangay Dalandanan, Valenzuela City at doon sinabi na tutungo sila sa Toyota Dalandanan, Valenzuela branch upang makuha ang naturang kotse.
Nang makarating sa lugar ay doon iniabot ni Borja kay Delos Reyes ang halagang P100,000 bilang paunang bayad at nakipagkasundong babayaran nang hulugan ang balanse sa loob ng limang taon.
Ibinigay naman ni Policarpio ang halagang P850,000 bilang ‘cash payment’ habang hindi muna nagbigay ng kanyang bayad si Enero dahil kinapos umano ang kanyang pera.
Bukod dito, hiningian ng suspek ng tig-P2,000 ang mga biktima para ibigay sa ‘sales representative’ upang mapabilis aniya ang paglabas ng kanilang sasakyan.
Makalipas ang ilang oras na paghihintay, hinanap ng mga biktima ang suspek ngunit hindi na nila ito makita at doon nila napag-alaman na ang kanilang katransaksiyon ay hindi awtorisadong ahente ng nasabing kompanya.
Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, nahuli ang mga suspek sa pamamagitan ng CCTV footage at nakita ang plate number na sinakyan ni Delos Reyes na minamaneho ng kanyang kasamang si Villacorta matapos makuha ang pera sa mga biktima.
Napag-alaman, ang sasakyang ginamit ng mga suspek ay nirentahan lamang sa Cainta, Rizal matapos beripikahin ng mga pulis ang plate number sa Land Transportation Office (LTO), at makipagtulungan ang may-ari nito sa mga alagad ng batas.
Ang mga suspek ay sumailalim sa electronic inquest (e-inquest) proceeding at nahaharap sa tatlong kaso ng estafa.
(ROMMEL SALES)