BASAG ang ulo ng isang OFW (overseas Filipino worker) makaraang paghahatawin ng helmet ng isang electrician sa kanilang pagtatalo sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Inoobserbahan sa Fatima University Medical Center (FUMC) sanhi ng pinsala sa ulo ang biktimang kinilalang si Mark Daryl Mohal, 33 anyos, residente sa Block 1 Lot 21 Phase 6, Ilang-ilang St., Sta. Lucia Village, Barangay Punturin ng nasabing lungsod.
Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang suspek na kinilalang si Joey Cabantugan, 33 anyos, residente rin sa nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 5:00 pm, umalis ang biktima sa inuman at mga kaibigan na nagdiriwang ng kaarawan sa Meycauyan City at umuwi sa kanilang bahay sa Valenzuela sakay ng kanyang Honda Jazz car.
Makalipas ang 30 minuto, bumalik ang biktima sa Meycauayan City sakay ng kanyang motorsiklo at ipinaalam sa kanyang mga kaibigan na habang pauwi siya sakay ng kotse ay nakatalo niya ang suspek sa P. Faustino St.
Matapos ito, umalis si Mohal ngunit nakatunog ang saksing si Jeffrey Pineda, 38 anyos, na maaaring matrobol ang biktima kaya’t sinundan kasama ang dalawang kaanak sakay ng kanilang motorsiklo.
Pagsapit sa P. Faustino St., nakita ng saksi ang suspek na hawak ang helmet ni Mohal at pinagpapalo sa ulo hanggang bumagsak sa kalsada.
Tinangkang awatin ng saksi at kanyang kaanak ang suspek ngunit nabaling sa kanila ang galit nito hanggang maawat ng mga concern citizen si Cabantugan na inaresto ng nagrespondeng mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP-7).
Isinugod ng nagrespondeng barangay tanod ang biktima sa Valenzuela City Emergency Hospital at kalaunan ay inilipat sa Meycauyan Doctor’s Hospital saka inilipat muli sa FUMC. (R.SAles)