SIMULA noong Sabado, 6 Hunyo, maraming Filipino sa iba’t ibang lugar ang nabahala nang mabatid na mayroong mga ginawang pekeng 2nd Facebook account sa ilalim ng kanilang mga pangalan.
Nagpahayag ng pagkabahala ang daan-daang estudyante mula sa mga paaralan sa Cebu, partikular sa University of the Philippines Cebu, University of San Carlos, at San Jose Recoletos dahil sa naglabasang FB accounts gamit ang kanilang mga pangalan.
Naunang inakalang sa Cebu at Central Visayas lamang nagaganap ang paggawa ng mga mga pekeng FB accounts ng mga aktibista at mga indibidwal na nagpapahayag ng opinyong politikal, ngunit lumalabas na may mga pekeng Facebook account din na ginawa sa iba pang lugar sa bansa.
Sa kasalukuyan, hindi lamang mga estudyante at mga aktibista ang nagawan ng mga pekeng Facebook account, maging mga indibidwal na walang kaugnayan sa aktibismo.
Napag-alaman, karamihan sa mga pekeng account ay walang profile picture at walang laman ang friends list.
Nabatid na pareho ang format ng link ng mga pekeng Facebook: pangalan (dot) apelyido at numero.
Naitala ng isang non-government organization sa Cebu ang hindi bababa sa 400 dummy account simula noong Sabado, ngunit maaaring umabot na ito sa libo ngayon.
Naiulat ang mga dobleng account ay mula sa Metro Manila, Iloilo, Dumaguete, at Cagayan de Oro.
Tinanggal na ng Facebook ang mga nai-report na accounts ngunit may ilan muling panibagong dummy account na naglalabasan gamit ang pangalan ng natanggal.
Iniulat ng isang residente sa Quezon City na umabot sa 25 accounts ang kaniyang pangalan.
Naglabas noong Linggo ng umaga, 7 Hunyo, ang University of the Philippines, Office of the Student Regent ng pahayag kaugnay ng mga pekeng Facebook fake accounts sa ilalim ng pangalan ng kanilang mga estudyante.
Anila sa kanilang Facebook post, “We express our utmost alarm since these accounts are suspected to cause harm or spread false information. It would be best if we all stay informed and vigilant.”
Nagpaalala ang student regent na maging maingat sa pagre-report ng mga posibleng totoong account na maaaring magkapangalan lang.
Nabatid, ang mga nadakip na aktibista sa UP Cebu noong Biyernes, 5 Hunyo, ay mayroong 30 hanggang 40 pekeng accounts na nakapangalan sa kanila.
Iniulat ng San Beda University ang data breach nang magkaroon ng access ang isang hacker sa mga personal na impormasyon at mga social media passwords ng libo-libong mga estudyante na kanilang inilabas online.