TINUTUGIS ng pulisya ang inupahang van na may sakay na walong benepisaryo ng “Balik Probinsya” convoy na patungo sa isang quarantine facility sa lungsod ng Ligao, sa lalawigan ng Albay, kahapon, 7 Hunyo.
Nabatid na naunang pinahimpil upang tingnan ang kaukulang mga dokumento ng Nissan van (F3V013) na minamaneho ng driver na kinilalang si Wilfredo Bautista, sa isang police border checkpoint sa bahagi ng Maharlika Highway sa Barangay Agos, bayan ng Polangui dakong 6:10 am.
Matapos sundin ang travel at quarantine protocols, sinabihan ng mga pulis na nasa checkpoint ang driver na sumunod sa convoy ng mga patungo sa lungsod ng Ligao.
Sasailalim ang mga pasahero at mga driver ng mga sasakyang kabilang sa convoy sa coronavirus tests at iba pang quarantine procedure bago tuluyang makauwi sa kanilang mga tahanan.
Nabatid na habang nasa unahan ng convoy ang police escort sa bahagi ng highway sa bayan ng Oas, biglang humiwalay sa grupo ang van at lumiko sa isang kalsada patungo sa sentro ng bayan.
Inalerto ang lahat ng yunit ng pulisya sa lalawigan upang matunton ang van na may sakay na maaaring postibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kinilala ng mga awtoridad ang mga pasahero ng van na sina Allan at Salve Toralde, Elorde Sandreno, Joshua at Brian Abitan, Darmano Seva, Angelito Pineda, at isang sanggol na babae, na napag-alamang mula sa mga bayan sa unang distrito ng lalawigan ng Albay.