ILANG buwan matapos makompirma ng mga awtoridad ang muling pagsulpot ng sakit, lumabas sa isang pagsusuri na positibo sa poliovirus ang mga water sample mula sa isang sapa sa lungsod ng Calamba, sa lalawigan ng Laguna.
Ipinag-utos ng mga opisyal ng Barangay Bucal sa kanilang mga nasasakupan na huwag magpunta sa Ligasong creek, kung saan nakuha ang water sample.
Inilinaw ng mga opisyal ng pamahalaang panlungsod at ng Calamba Water District na ang tubig na isinusuplay sa mga kabahayan ay mula sa ibang groundwater source.
Ayon kay Dennis Labro, city health officer, patuloy na sinususuri ng Department of Health (DOH) ang mga daluyan ng tubig sa lungsod simula Oktubre noong isang taon, matapos tamaan ng poliovirus ang isang
5-anyos batang lalaki mula sa Barangay Linga.
Pangalawa ang batang lalaki sa naitalang kaso ng polio sa bansa matapos tamaan ng sakit ang isang 3-anyos na batang babae sa sa lalawigan ng Lanao del Sur.