ISINAILALIM sa extreme enhanced community quarantine (EECQ) ang dalawang kalsada ng isang barangay sa Caloocan City dahil sa naitalang pagdami ng kaso ng COVID-19 positive.
Sa latest COVID-19 bulletin ng lungsod sa Barangay 8, may 23 positibong kaso na medyo mababa kaysa mga barangay sa lungsod na unang isinailalim sa EECQ ngunit may paliwanag dito si Mayor Oscar “Oca” Malapitan.
Aniya, ang karamihan sa 23 kaso ay natagpuan sa Tupda at Salmon streets, mga lugar na isinailalim sa total lockdown simula kahapon, 11:59 pm, 4 Hunyo at magtatapos sa 11 Hunyo, 11:59 pm.
“We have to immediately place these two major streets in Barangay 8 under total lockdown or EECQ so that personnel of the City Health Department would have unhampered time to conduct rapid and swab tests there,” ani Malapitan.
Sinabi ng alkalde, ang mga magpopositibo sa virus sa gawing pagsusuri ay ihihiwalay ng city government sa mga pasilidad habang isasagawa rin ang contact tracing.
Umapela ang alkalde sa mga residente na makipagtulungan at sundin ang safety protocols at tiniyak niya na ang pamahalaang lungsod ay nagsisikap para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Tiniyak ni Malapitan na mabibigyan ng sapat na supply ng food packs ang mga residenteng apektado ng lockdown.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Dario Menor, 20 pulis ang ipakakalat para magbantay sa naturang kalsada upang masiguro na manatili ang mga residente sa loob ng kanilang bahay hanggang matapos ang lockdown.
Sa record, ang Caloocan ay may 495 COVID-19 confirmed cases, 149 recoveries at 25 namatay.
(ROMMEL SALES)