IMINUNGKAHI ng Palasyo na gawing contact tracers ang jeepney drivers na nawalan ng hanapbuhay bunsod ng pagbabawal ng gobyerno na pumasada sila mula nang ipatupad ang lockdown sanhi ng coronavirus disease COVID-19 pandemic.
“Well, alam ko po, ngayon ay naghahanap na ho tayo ng alternatibong mga kabuhayan sa kanila. Mayroong suhestiyon dati na ilan sa kanila ay kukuning contact tracers dahil mangangailangan tayo ng contact tracers,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Paliwanag ni Roque, imposible ang social distancing sa jeepney kapag harapan ang mga pasahero.
Matatandaan na sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalo na walang dapat gastahin ang gobyerno sa contact tracing o paghahanap ng mga taong nakasalamuha ng mga nagpositibo sa coronavirus disease ( COVID-19) dahil libre ang teknolohiya mula sa Philippine National Police (PNP).
Itinagubilin ni Magalong, hindi puwedeng basta lamang kumuha ng contact tracer dahil dapat ay may “investigative capability at investigative mindset” gaya ng imbestigador na pulis.
Kailangan aniyang mabuo ang “COVID- mapping” upang makita ang lawak ng infection sa isang partikular na lugar. (ROSE NOVENARIO)