HINIMOK ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang national Bureau of Investigation (NBI) na pangunahan ang imbestigasyon, pagsasampa ng kaso, at pag-aresto sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno at mga pribadong indibidwal habang hinihikayat din ang sambayanan na isumbong sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) o sa kanya mismo kung may nalalamang anomaly kaugnay ng paggasta sa pondo ng gobyerno.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Health, sinabi ni Go, handa siyang pangunahan ang imbestigasyon sa mga anomalya sa pagbili at pagbebenta ng medical supplies and equipment.
Sa kasalukuyan gumastos na ang administrasyong Duterte ng P14.1 bilyon para sa pagbili ng personal protective equipment (PPE), test kits, at iba pang medical supplies upang labanan ang coronavirus disease COVID-19.
Nakasaad ito sa 33-pahinang report na isinumite ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso alinsunod sa probisyon sa Bayanihan to Heal as One Act.
Ngunit sa gitna ng pandemya, umusok ang mga isyu ng iregularidad sa mga presyo ng medical supplies and equipment.
Nauna rito, inutusan ng Pangulo ang NBI na imbestigahan ang Omnibus Bio Medical sa alegasyon ng overpricing at hoarding sa mga extraction machine para sa COVID-19 test.
Ang direktiba ng Punong Ehekutibo ay bunsod ng pahayag nina senators Panfilo Lacson at Franklin Drilon na dapat siyasatin kung paano lumusot ang malaking ‘tongpats’ sa Sansure Biotech brand extraction machine na ibinenta sa gobyerno sa halagang P4 milyon habang ang pribadong sektor ay nakabili ng direkta sa manufacturer sa halagang P1.75 milyon.
Nabatid na ang Omnibus, pagmamay-ari ng mag-asawang Van William at Emily Co, napaulat na umano’y humarang sa mga extraction machine para sa Project ARK, isang private sector initiative para sa pagsasagawa ng COVID-19 rapid test kit at ibinigay umano ang mga makina sa Philippine Red Cross PRC na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon.
Napag-alaman, nagsasagawa rin ng COVID-19 test ang PRC ngunit mas mahal ang singil nito kompara sa Project ARK.
Sa isang midnight public address ni Pangulong Duterte, isinalang niya sa ‘public interrogation’ si Health Secretary Francisco Duque III, hinggil sa inirereklamong singil ng PhilHealth sa COVID-19 rapid test sa halagang P8,100 sa bawat miyembro nito.
Inihayag ni Gordon sa online forum kamakailan ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) na mataas ang presyo ng PCR machine ngunit ayon sa Sansure officials discounted ang halagang ibinigay nila sa Philippine Red Cross, gaya sa Charity, humanitarian institutions, at non-commercial distribution na puwedeng direktang bumili sa kanilang kompanya.
Nakakuha ng P100-milyong advance contract ang Red Cross sa PhilHealth upang tustusan ang COVID-19 testing ng mga lokal na pamahalaan.
Nagreklamo si Project ARK medical team leader Dr. Minguita Padilla sa FOCAP forum na naniningil ng P4,500 kada COVID test ang Red Cross na tatlong beses na mas mataas sa P1,110 singil ng San Miguel Corp., sa bawat empleyado nito.
Dahil sa iba’t ibang presyo ng COVID-19 testing, ibinunyag ng isang solon sa Kamara na mayroong ‘somebody’ sa likod ng mga overpriced at hoarding ng mga nasabing medical equipment.
Hanggang sa kasalukuyan, pinaghahanap pa rin ang ‘somebody’ na tinukoy ni Health Secretary Francisco Duque III na kasangga ng Omnibus. (ROSE NOVENARIO)