“HINDI nga natin alam kung aabot pa tayo ng susunod na taon kaya dapat unahin ang survival ng bawat Filipino.”
Buwelta ito ni Sen. Christopher “Bong “Go sa mga kritiko na iniuugnay ang mga isinusulong niyang programa at panukalang batas sa umano’y ambisyon sa 2022 presidential elections.
Ayon kay Go, hindi ito panahon ng politika at hanggang 2025 pa ang termino niya bilang senador kaya’t nagsasayang ng panahon ang kanyang mga kritiko sa pagbatikos sa kanya dahil wala siyang planong lumahok sa 2022 presidential derby.
Aniya, nakahanda siyang tulungan ang sinomang kandidato na maipagpapatuloy ang mga inumpisahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Senator po ako hanggang 2025. Barking at the wrong tree sila. Count me out please, sayang lang panahon nila sa akin… But I’m willing to help lang sa taong makapagpapatuloy ng inumpisahan ni PRRD,” giit ni Go.
Inilinaw ni Go, wala siyang hangad kundi ibalik ang serbisyong para sa tao bilang sukli sa pagkakataong ibinigay sa kanya ng Panginoon na maging senador.
“Ibinigay na ng Panginoon sa akin ang pagkakataong maging senador. Wala na akong hihilingin pa. Ibabalik ko ang serbisyong para sa tao,” dagdag ng senador. (ROSE NOVENARIO)