GAMPANAN nang wasto ang responsibilidad sa Balik Probinsya, Balik Pag-asa Program (BP2) upang maibsan ang kalbaryo ng mga mamamayan sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Panawagan ito nina Executive Secretary Salvador Medialdea at Sen. Christopher “Bong” Go kasunod ng ulat na dalawang umuwi sa Leyte mula sa Metro Manila sa pamamagitan ng BP2 ay nagpositibo sa COVID-19 matapos sumailalim sa swabbing test pagdating sa mga bayan ng Tanauan at Baybay.
“As Chair of the Senate Committee on Health and as the proponent of the Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program, I am urging concerned agencies involved in the BP2 program to help fellow Filipinos who wish to relocate to their home provinces, provided that necessary health protocols are followed and proper coordination with the receiving LGUs are conducted during the implementation,” ayon sa kalatas ni Go na ipinadala sa HATAW kahapon.
Paliwanag ni Go, sa inilunsad na pilot roll-out program noong 20 Mayo 2020, sinabi ni National Housing Authority (NHA) general manager Jun Escalada na napili ng BP2 Council ang Leyte dahil tiniyak ng mga opisyal ng lalawigan ang kanilang kahandaan na suportahan ang mga magbabalik sa kanilang mga residente mula sa Metro Manila bunsod ng kapabilidad
“to test, detect, isolate and treat anyone suspected or later confirmed of having COVID-19.”
“Sinabi rin po niya na lahat ng mga beneficiaries na umalis noong May 20 pauwi ng Leyte ay nakapag-comply naman sa required health certification mula sa LGU at DOH. Pero dahil rin sa kaibahan ng sakit na COVID-19, hindi natin nakikita ang kalaban. Kahit ‘yung mga nag-negative sa test, puwedeng maging positive pagkatapos ng ilang araw. No one can really tell. This is why it is important that health protocols are followed and LGUs, as well as health facilities nationwide, are able to enhance their capabilities to test, trace and treat patients with COVID-19,” giit ni Go.
Sinabi ni Medialdea, may kanya-kanyang obligasyon ang mga ahensiya ng pamahalaan kasama ang protocols sa pag-alis sa Kalakhang Maynila at pagdating sa lalawigan ng mga lumahok sa BP2 Program.
“Just to underscore, the Council has been careful in ensuring that returnees under the Balik Probinsya program undergo the protocols from departure to the arrival phase, whether through the member-agencies or in coordination with the LGUs,” ani Medialdea.
Nanawagan sina Medialdea at Go sa publiko na suportahan ang lahat ng pagsusumikap para makaigpaw mula sa krisis at ayudahan ang adbokasiya ng administrasyon na magkaroon ng magandang buhay sa mga lalawigan matapos ng pandemya. (ROSE NOVENARIO)