NAIS ni Pangulong Rodrigo Duterte na palutangin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tinukoy na ‘somebody’ ni Health Secretary Farncisco Duque III na nasa likod ng mag-asawang inakusahang nag-overprice sa medical equipment.
Isinalang ni Pangulong Duterte sa “public interrogation” sa national television si Duque kamakalawa ng gabi at tinanong kung totoong overpriced ang ipinataw ng mag-asawang Van William at Emily Co sa ipinagbiling COVID-19 test machines sa gobyerno.
“I just want to be satisfied really. Ano itong sinasabi nilang mas mura roon at itong Co na mag-asawang — spouses Co are the dealers of… itong… iyang nabili ninyo ay mahal? Is there really a price difference there or haka-haka lang nila ‘yan?” tanong ng Pangulo kay Duque.
Itinanggi ni Duque na kilala niya ang mag-asawang Co na may-ari ng kompanyang Omnibus Bio-Medical Systems, Inc., na umano’y exclusive distributor ng COVID-19 test machines sa bansa at isang hindi niya binanggit ang pangalan ang maaaring nakakikilala sa kanila.
“I do not know these two personalities, ito pong Co. ‘Somebody’ might know about this couple,” sagot ni Duque sa tanong sa kanya ng Pangulo kaugnay sa mag-asawang Co.
Nauna rito, sa kanyang privilege sa Kongreso noong nakaraang linggo ay kinuwestiyon ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janet Garin ang ginawang hoarding at overpricing ng mag-asawang Co ng kinakailangang PCR (polymerase chain reaction) o swab testing para sa COVID-19 test hanggang mapilitan silang ilabas ito matapos ang 11 Mayo 2020.
Duda rin si Garin kung bakit hindi isinusulong ng Department of Health (DOH) ang mass testing gayong may kakayahan itong gawin kung direkta sa manufacturer bumili ng test machines at hindi sa kompanyang Omnibus.
“Discipline your children,” panawagan ni Garin kay Pangulong Duterte. (ROSE NOVENARIO)