SA GITNA ng pangamba sa pagbabalik-eskuwela ng mga bata habang umiiral ang general community quarantine (GCQ) o “new normal” ngunit hindi pa napupuksa ang pandemyang COVID-19, hinimok ni ACT-CIS Rep. Niña Taduran na mas magiging interesado ang mga bata sa pag-aaral online o kahit sa TV at radyo, kung mga kilalang personalidad na kanilang makikita at maririnig na nagtuturo ng mga leksiyon ng paaralan.
Naniniwala si Taduran, makukuha ang atensiyon ng mga bata at mas maipatitimo sa kanilang isipan ang natutuhan kapag ang kanilang hinahangaan ang magiging teachers.
Pinapurihan ng Asst. House Majority Floorleader ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa kanilang alok sa Department of Education na gamitin ang television at radio stations ng pamahaalaan para sa implementasyon ng learning continuity plan sa harap ng ‘new normal’ sa pag-aaral sanhi ng pandemyang COVID-19.
“Kailangan maging interesting para sa mga bata ang pag-aaral kahit wala sila sa loob ng classroom. Isa sa mga makakukuha ng kanilang full attention ay kung mga kilalang personalidad ang kanilang makikita o maririnig na nagtuturo. Gawin din entertaining ang pag-aaral,” ani Taduran.
Hinikayat ni Taduran ang mga pribadong estasyon ng telebisyon at radyo na ibalik ang mga programang pambata na magbibigay ng aral at kagandahang asal.
Ipinaala ni Taduran na obligasyon nila ito sa ilalim ng Broadcast Code of 2007.
“Nasa Broadcast Code of the Philippines ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas na dapat ay 15% ng mga programa sa telebisyon at kahit sa radyo ay para sa mga bata. It is the responsibility of the TV and radio stations to promote mental, physical, social and emotional development of the children through their programs,” ayon kay Taduran. (GERRY BALDO)