PINURI ng Palasyo ang mahalagang papel na ginagampanan ng media sa paghahatid ng wasto at napapanahong mga balita sa panahon ng pandemyang coronovirus (COVID-19).
Sa kanyang mensahe kahapon kaugnay sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day, sinabi ni Roque na ang pag-uulat ng media ay nagsusuong ng kamalayan sa publiko hinggil sa global pandemic at ang paghahatid ng tamang impormasyon para managot ang mga nasa serbisyo-publiko.
“Filipino households need to get timely, accurate and transparent reporting of this global health emergency and the action or intervention the government has made to address this situation thereby promoting public awareness and engagement and accountability in public service,” sabi ni Roque.
Umiiral aniya ang malaya at masiglang pamamahayag sa Filipinas at sa ilalim ng administrasyong Duterte , binigyan ng mahalagang papel ang “fair and democratic media” upang magkaroon ng sapat na impormasyon ang sambayanan.
“As media workers continue reporting in the frontlines, we pray for everyone’s safety as we laud all those in front of and behind the scenes in bringing truthful information to the homes of every Filipino family,” ani Roque. (ROSE NOVENARIO)
JOURNALISTS,
VOLUNTEERS KAAGAPAY
VS COVID-19
“NGAYONG World Press Freedom Day, alalahanin natin kung sino ang tunay na kalaban,” ayon kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan.
Aniya, matindi ang krisis na kinakaharap ng bansa sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
“Maraming kailangang pagbuhusan ng pansin ang buong puwersa ng gobyerno, dapat magtulungan,” paalala ng senador.
Anang Senador, nalulungkot siya dahil sa kabila nito’y
patuloy pa rin ang mga pag-aresto sa mga tumutulong at kailangang tulungan.
Aniya, nakararanas pa rin ng panggigipit ang mga mamamahayag at habang ikinukulong ang mga Filipino na itinuturing na violators sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ), ay nanatiling exempted ang mga Chinese POGO workers.
Diin ni Pangilinan: “Isang paalala, virus ang kalaban, hindi ang volunteers. Virus ang kalaban, hindi ang mga mamamahayag.
“Magtiwala tayo sa tulong at dedikasyon na ibinibigay ng volunteers habang panahon ng krisis. Bawat mamamayan ay parte ng solusyon, at ito ang kanilang ambag upang makapagbigay ng kagyat na pangangailangan sa mga hindi pa naaabot ng gobyerno,” ani Pangilinan.
“Magtiwala tayo sa kakayahan ng mga mamamahayag na magpakalat ng tama at kapaki-pakinabang na impormasyon. Sa pahanong lahat ay “online” at nagpapalipas ng oras sa internet, mas matindi ang paglaganap ng fake at misleading na mga balita. Ang mga mamamahayag ang ‘may kapangyarihang’ magtama ng mga maling ito,” paalala ni Senator Kiko.
“Kung marami nang nagawa, mas marami pa ang dapat gawin. Kung kaya’t kailangan natin ang bawat isa, mga volunteers, at mga mamamahayag para malabanan ang COVID.
“Kaisa kami sa laban na ito. Itigil ang pag-aresto. Itigil ang panggigipit. Bigyan ng pokus ang pagtulong,” pagwawakas ni Pangilinan. (CYNTHIA MARTIN)