TINATAYANG aabot sa P40 milyong halaga ng Chinese medicines, na sinasabing lunas sa coronavirus (COVID-19) ngunit hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA), personal protective equipment (PPE) at medical supplies, ang nakompiska ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BoC) at National Bureau of Investigation (NBI), sa isang bodega sa Maynila.
Dakong 10:45 am nitong 1 Mayo 2020, nang isagawa ng mga tauhan ng BoC – Intelligence Group-Customs Intelligence Investigation Service (IG-CIIS), NBI – Special Action Unit (SAU), na inalalayan ng mga personnel ng Philippine Coast Guard (PCG), ang pagsalakay sa warehouse na matatagpuan sa Singalong, Malate, Maynila.
Isinilbi ng mga operatiba ang isang Letter of Authority (LOA) na tinanggap ng isang Chinese national na kinatawan ng bodega.
Kabilang sa nakompiska sa lugar ang kahon-kahong PPE, surgical masks, mga medisina at iba pang medical supplies.
“There will be no let up in our anti-smuggling campaign despite the threat of COVID-19 in the country. Our men will continue to be diligent in fulfilling the mission and get the job done,” ayon kay Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro.
Tiniyak rin ng BoC sa publiko na ipagpapatuloy nila ang masigasig na pangunguna sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga tiwaling negosyante na nagsasamantala sa mataas na demand ng PPE at medical supplies at pagtaas ng bilang ng mga taong naghahanap ng mga gamot na makalulunas sa mga pasyenteng infected ng COVID-19.
Nabatid na inimbitahan rin ng mga awtoridad ang dayuhang kinatawan ng bodega sa tanggapan ng NBI upang pagpaliwanagin sa presensiya ng mga ‘di awtorisadong Chinese medicines, PPE at medical supplies sa loob ng kanilang warehouse.
Tutukuyin rin umano ng mga awtoridad kung ang mga naturang nakompiskang items ay ipinuslit papasok sa bansa o smuggled, at kung ilegal na ipinagbibili sa merkado.
Kasalukuyang iniimbentaryo ng customs examiners ang nakompiskang items mula sa warehouse.
Ang mga kinatawan mula sa IG-CIIS, PCG at NBI ay nasa warehouse din upang saksihan ang imbentaryo.