ISUSUNOD ang Tondo na isasailalim sa hard lockdown sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, maaaring gawin ito sa 3-4 Mayo.
Dahil ito sa dumaraming kaso ng COVID-19 sa Tondo.
Sa pinakahuling datos, ang Tondo 1, mayroong 81 kaso ng COVID-19 habang ang Tondo 2, mayroong 51 kaso.
Sinabi ni Mayor Isko, masusing inaaral ang pagpapatupad ng hard lockdown sa Tondo dahil bahagi nito ang Divisoria area.
Gayonman, exempted dito ang Divisoria market na mahigpit na babantayan ng mga awtoridad.
Sa Divisoria humahango ng panindang gulay, isda at karne ang 17 pamilihang bayan sa lungsod.
Nagbigay daan ito sa disease surveillance, verification or testing at rapid risk assesment bilang pagresponde sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa distrito.
Ang 24-oras hard lockdown ay ipatutupad para bigyang-daan ang isasagawang mass testing at swabbing upang matukoy ang bilang ng mga nahawa ng COVID-19.
Sa panahon ng lockdown, suspendido ang quarantine pass at mga awtorisadong frontliner o Authorized Person Outside Residence (APOR) lamang ang papayagang makalabas sa kalsada.
Maging ang commercial at industrial activity pansamantalang sususpendehin sa 24-oras hard lockdown.
Sinabi ni Isko, magiging katulad ito ng naging ‘hard lockdown’ sa distrito ng Sampaloc, na hindi pinayagan lumabas ang ang mga nakatira sa loob ng 48 oras maliban nga sa mga APOR.
“May additional exemptions lang with regard to basic commodities and logistic area,” ani Mayor Isko. (VV)