GAMITIN ang sentido-komon.
Ito ang panawagan ng Malacañang sa mga nagpapatupad ng mga patakaran ukol sa Luzon-wide enhanced community quarantine (ECQ) lalo sa checkpoints.
“Yung mga nasa checkpoints naman po, sinasabi po natin sila nang paulit ulit, alam naman po natin ang mga palatuntunan, kinakailangan naman po meron tayong case-to-case basis. ‘Yung mga nangangailangan ng atensiyong medikal, palusutin na po natin… gamitan naman po natin ng common sense,” ayon kay Roque.
Kaugnay sa pambubugbog ng mga awtoridad sa Quezon City sa isang lalaki na umano’y walang quarantine pass, naniniwala si Roque na parurusahan ni Mayor Joy Belmonte ang mga nagkasala.
“Itong insidente po sa Quezon City ay naniniwala naman po ako na iimbestigahan nang patas ‘yan ni Mayor Joy Belmonte at papatawan ng parusa ang mga barangay official kung mapatunayan na nagkasala sila,” aniya. (ROSE NOVENARIO)