Saturday , November 16 2024

Iregularidad sa ayudang SAP nasa dossier ni kap — Año (Lagot after ECQ)

INIIPON ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dossier ng bawat barangay kapitan sa 42,000 barangays sa buong bansa para panagutin ang sinomang may katiwalian kaugnay sa implementasyon ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

Ang dossier ay koleksiyon ng mga datos at dokumento na nagsasaad ng mga impormasyon hinggil sa isang tao, pangyayari o isyu at karaniwang ginagamit ng intelligence community sa mga tinitiktikang personalidad.

Bukod sa naging Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff, si DILG Secretary Eduardo Año ay isang batikang intelligence officer.

Ayon kay Año, marami nang nakalap na impormasyon ang DILG na may mga opisyal ng barangay na binibigyan ng pinansiyal na ayuda mula sa SAP ang mga hindi karapat-dapat makatanggap.

Tumanggi siyang tukuyin ang lugar ng mga nasabing barangay officials pero tiniyak niya pananagutin sila matapos ang enhanced community quarantine (ECQ).

“Marami na kaming nakuhang mga reports about barangay officials na ang binibigyan ay hindi naman talaga karapat-dapat, lahat iyan ay gina-gather na natin. Hindi muna ako magpapangalan ng mga lugar pero sa ngayon kasi ay tuloy-tuloy pa, pero hahabulin natin lahat ng mga magkakaroon ng katiwalian,” sabi niya.

Batay sa ipinatutupad na SAP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) , makatatanggap ng mula P5,000 hanggang P8,000 kada buwan sa loob ng dalawang buwan ang bawat pamilyang nasa informal sector habang umiiral ang enhanced community quarantine sa kanilang lugar.

Ang lokal na pamahalaan aniya ang mamamahala sa pamamahagi ng ayudang pinansiyal pero obligado ang bawat barangay na ipaskil ang listahan ng mga nakatanggap at makikita rin sa website ng DSWD ang listahang isinumite nila alinsunod sa isinusulong na transparency ng gobyerno.

Kaugnay nito, hinimok ni DSWD Secretary Rolando Bautista ang publiko na guwardiyahan ang pera ng bayan upang hindi mapunta sa maling mga kamay.

“Ngayon, sabihin natin na mayroon tayong nakikitang mga irregularities or anomalies, kaya po ini-encourage po namin talaga lahat ng sambayanan na sumama sila at maging guwardiya para ma-ensure na talagang iyong dapat na makatanggap ng ayuda ay nakatatanggap.,” aniya.

Pinalawig aniya ang deadline sa lokal na pamahalaan para ipamigay ang first tranche ng SAP hanggang 7 Mayo at bago sila makatanggap ng second tranche ay kailangan nilang magsumite ng liquidation report na beberipikahin ng DSWD.

Nasa kamay aniya ng mga lokal na opisyal ang bilis at kawastohan ng pamamahagi ng ayudang pinansiyal at wala sa DSWD. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Robin Padilla West Philippine Sea WPS

Para sa impormasyon tungkol sa West Philippine Sea
SEN. ROBIN, PCG GAGAWA NG PELIKULANG ANTI-FAKE NEWS

MAY pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa …

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *