KAKASTIGOHIN ng Palasyo ang mga lokal na opisyal na naging makupad sa pamamahagi ng pinansiyal na ayuda sa kanilang nasasakupan habag umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa kanilang lugar.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, humihingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga taong hanggang ngayon ay naghihintay na mabigyan ng tulong sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Inutusan aniya ng Palasyo ang mga lokal na opisyal na ipamigay na lahat ang ayudang pinansiyal dahil kailangan ito ng kanilang constituents.
“Well, doon po sa mga talagang naghihintay pa ng ayuda, humihingi na po ng inyong pang-unawa ang ating Presidente. Pero binigyan na po natin ng order ang mga lokal na opisyal(es), kinakailangan gumalaw sila, ipamigay ang ayuda dahil alam po natin kinakailangan iyong ayudang iyan kahapon pa. Paumanhin po, but we will enforce the law and we will enforce discipline amongst those who should have acted faster,” ani Roque.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na magsumbong sa Malacañang ang mga hindi nakatanggap ng tulong mula sa gobyerno at kanyang sasaklolohan. (ROSE NOVENARIO)