KAKALAMPAGIN ng Malacañang ang Department of Energy (DOE) at Oriental Mindoro Electric Cooperative (Ormeco) sa ulat na nakararanas ng halos 12 oras na brownout sa lalawigan.
Ayon kay Roque, hindi dapat nakararanas ng power crisis sa Oriental Mindoro dahil may sapat na supply ng koryente sa buong Luzon kahit umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ).
“Well, nire-reiterate ko po na sapat ang suppply ng koryente pero ipinagbigay-alam din po namin sa DOE kung bakit ganito nangyayari sa Ormeco. Hindi po dapat ganyan,” aniya.
“Pero huwag kayo mag-alala. Kakalampagin po natin ang DOE at Ormeco,” dagdag niya.
Nauna rito, sineguro ni Cabinet Secretary at dating Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease spokesperson Karlo Nograles na sapat ang supply ng koryente at batay sa ulat ng Department of Energy ay may 11,795 MW kapasidad sa Luzon at ito’y mas mataas sa peak demand na 7,323 MW.
Inihayag din ni Nograles, hindi na kailangan magbayad ng kanilang bill sa koryente ng Marso at Abril ang “lifeline consumers” ng mga electric cooperatives sa buong bansa o ang mga kumokonsumo ng mababa sa 50 kwh.
“Sa mga kababayan nating kumokonsumo ng mas mababa sa 50 kilowatt per hour o ‘yung mga tinatawag na “lifeline consumers” ng mga electric cooperative dito sa Luzon, maging sa Visayas at Mindanao – maliban sa isang buwang grace period sa pagbabayad ng koryente – libre na po ang inyong konsumo sa loob ng March to April billing period. Target na tulungan ng Pantawid Liwanag ang tatlong milyong mahihirap na consumer ng mga electric cooperative. Salamat NEA, Philreca at mga electric koop sa inyong tulong at ambag sa Bayanihang ito,” dagdag ni Nograles.
Pero ayon kay Roque kahapon, boluntaryong desisyon ng electric cooperative kung magpapatupad ng libreng singil sa koryente.
“Pagdating naman po sa libreng singil sa koryente, iyon po ay voluntary na ibinibigay ng iba’t ibang electric cooperative. Pero huwag kayo mag-alala,” ani Roque sa virtual press briefing kahapon.
Isang linggo matapos ianunsyo ni Nograles ang Pantawid Liwanag program ng DOE o noong 21 Abril 2020 ay nagpadala ng liham si Atty. Norberto Mendoza, project supervisor at acting general manager ng ORMECO, kay Naujan, Mindoro Oriental Mayor Mark Marcos para ipabatid ang province-wide blackout sa 24 Abril 24 2020 mula 4:30 am hanggang 1:00 pm.
Ikinatuwiran ni Mendoza ang hirit ng DMCI Power na ayusin ang kanilang 1 x 4.4 MW genset gayondin ang pagsasagawa ng massive correction activity ng ORMECO sa kanilang distribution lines upang magkaroon ng dagdag na power supply at maibsan ang power crisis sa lalawigan.
Giit ng ORMECO, kapag hindi umubra ang kanilang mga hakbang para madagdagan ang power supply ay magpapatupad ng “tentative load shedding” o makararanas ng scheduled brownout ang probinsiya. (ROSE NOVENARIO)