TABLADO pa rin ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO ) kahit sa mga lugar na deklaradong nasa ilalim ng general community quarantine.
Inihayag ito kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque .
Aniya, non-essential industry at kasama sa negative list ang POGO dahil ito’y kabilang sa amusement at leisure na sarado pa rin alinsunod sa guidelines ng GCQ.
“Hindi pa po, kasi iyan pong POGO ay amusement at leisure, so nasa negative list pa rin po iyan kasama ng eskuwelahan, iyong mga pagsambang relihiyoso at iyong mga industriya para sa mga bata at saka turismo, sarado pa rin po ang turismo bagamat mayroon ng General Community Quarantine. Bagamat pupuwedeng humingi ng exemption o ng authority ang PAGCOR at iyong mga iba’t ibang POGOs pero wala pa pong ganiyang desisyon ang IATF,” sabi ni Roque.
“Opo, opo dahil lahat po halos ng non-essential industries ay hindi pa po pinapayagan ngayon,” dagdag niya.
Kaugnay nito, kakasuhan aniya ang 44 illegal POGO workers na nadakip sa Parañaque City dahil sa paglabag sa “Bayanhian to Heal As One Act.”
“Well, mayroon po tayong Bayanihan We Heal as One Act na kapag nagsabi na ikaw ay lumabag sa isang panuntunan dito sa panahon ng emergency na ito ay pupuwede kang maparusahan. So, iyong violation of quarantine po ay puwedeng maging basehan para malitis at maparusahan ang kahit sinuman,” ani Roque.
(ROSE NOVENARIO)